National News
1 batalyong sundalo, ipinadala sa Basilan para magbigay seguridad sa 2025 elections
Naghahanda na ang ibang unit ng Philippine Army para sa darating na 2025 midterm elections.
Sa Basilan, isang battalion ang ipinadala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tumulong sa pagbibigay ng seguridad sa lugar.
Ayon kay Brig. Gen. Alvin Luzon, commander ng 101st Infantry Brigade na siya ring namamahala sa Joint Task Force (JTF) Orion, ang 32nd Infantry Battalion ang siyang responsable at nakatutok sa operasyon at seguridad sa dalawang pangunahing munisipalidad sa Basilan.
Binigyang diin din nito na ang 32nd Battalion ang magiging aktibo pagdating sa security preparations ngayong darating na eleksyon at ang naatasan para masiguro ang proseso ng demokrasya ay ligtas at maayos na maipapatupad.
“Our target is to bolster the brigade’s efforts to maintain stability in the province, especially as preparations for the 2025 midterm elections intensify.”
Tutulong din daw ang nasabing batalyon sa iba pang security initiatives, kabilang na ang pagsusulong ng normalization track sa peace process kasama ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang transformation program kasama ang Moro National Liberation Front (MNLF).
Samantala, handa na rin ang Eastern Mindanao Command para sa darating na eleksyon
Sa isang panayam, sinabi ni Maj. Salvacion Evangelista tagapagsalita ng EastMinCom na handa silang magbigay ng seguridad sa kanilang nasasakupan.
Kasunod ito sa naipaulat na lima ang sugatan sa nangyaring tensyon sa Shariff Aguak nito lang kamakailan.
Ani Evangelista, “With that, the entire area under the Eastern Mindanao command is always ready.”
Sa isang text message naman ni Maj. Evangelista sa SMNI News, nilinaw niya na sa ngayon ay hindi pa sila nagdedeploy ng tauhan na tututok para sa 2025 midterm elections ngunit handa aniya silang makipagtulungan sa Philippine National Police at binigyang diin na sapat ang kanilang tropa para rito.
“As of now wala pa kaming deployment. But we are ready to assist the PNP and we have also enough troops if needed.”