National News
1 lalaki, nasawi habang pumipila sa isinagawang payout ni Congw. Quimbo
Lungkot at hinagpis ang bumabalot ngayon sa pamilya Basco matapos bawian ng buhay ang 1 sa kanilang kaanak sa gitna ng pamimigay ng ayuda sa mga residenteng nagmula sa iba’t ibang barangay sa Marikina City.
Ang naturang payout ay isinagawa sa isang gym sa lungsod, sa ilalim ng inisyatiba ng tanggapan ni Marikina mayoral candidate Stella Quimbo.
Ayon sa pamilya, siksikan ang lugar at hindi na halos makagalaw ang mga tao, sa gitna pa ng matinding init ng panahon.
Hindi raw nila inaasahan ang biglaang pagreklamo ni Engin ng paninikip ng dibdib lalo’t wala naman itong iniindang karamdaman bago ang insidente.
Sa bandang huli, isinugod si Engin sa Amang Rodriguez Hospital, ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Masakit man sa pamilya ang pagpanaw ng isang kaanak, pero tinanggap na rin daw nila ito.
Pero may pakiusap lang ng pamilya ni Engin na itigil na ang pagpapakalat ng mga video at larawan na nakikitang hirap na hirap ito.
Sa gitna ng umiigting na tensyon sa politika ng lungsod, mariing pakiusap ng pamilya ni Engin huwag idawit ang kanilang anak sa anumang layuning pampulitika isa lamang umano itong karaniwang mamamayan na umaasang makakatanggap ng tulong at hindi dapat gawing kasangkapan sa anumang agenda.
Hiling din nila na sana’y ito na ang huling insidente na may kailangang masaktan o mawalan ng buhay sa mga ganitong aktibidad ng pamamahagi ng ayuda.
Si Engin ang bunso sa 6 na magkakapatid ng pamilya.
Sa edad na 20, iniwan nito ang kanyang asawa at 2 maliliit na anak kung kaya’t malaking bagay sana ang perang makukuha sa ayuda ngunit nangyari naman ang hindi nila inaasahan.
Nauna nang pinadalhan ng show-cause order ng Commission on Elections (COMELEC) si Marikina mayoral candidate Stella Quimbo kaugnay ng umano’y vote-buying sa gitna ng election period.
Bukod kay Quimbo, kabilang din sa mga pinadalhan ng parehong kautusan ang incumbent mayor ng Maynila na si Honey Lacuna, kasama ang 19 pang opisyal, upang ipaliwanag ang mga paratang ng vote-buying at umano’y abuso sa paggamit ng pondo at kapangyarihan ng estado o abuse of state resources.
Sinusubukan naming kuhanan ng pahayag ang panig ni Marikina mayoral candidate Stella Quimbo, pero bigo kami makakuha ng tugon mula sa tanggapan nito.
Bukas naman ang SMNI sa anumang pahayag mula sa kampo ni Congresswoman Stella Quimbo.
