National News
1 pang kawani ng LTO na umano’y mastermind sa nakaw na plaka, pinaghahanap na
Pinaghahanap na ng Land Transportation Office (LTO) ang 1 pang suspek sa nakaw plaka modus sa planta ng ahensya na umano’y mastermind.
Ito ang kinumpirma ni LTO Chief Vigor Mendoza II sa katatapos lang na press conference ng ahensya.
Aniya, bukod ito sa 3 empleyado na sangkot din sa nakaw na plaka modus na iprinisenta Biyernes ng umaga, January 26.
Paliwanag ni Mendoza 1 taong minamanmanan ng Intelligence and Investigation Division ang kaduda-dudang aktibidad sa loob ng planta ng ahensya.
Matapos ang inisyal na imbistigasyon noong Lunes, January 22, sumulat ang LTO sa DILG para humingi ng tulong na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Dagdag pa ni Mendoza hindi lamang basta pagnanakaw ng plaka ang modus kundi sila mismo ang nagma-manufacture nito at ipinagbibili ng P5-K – P10-K bawat isa.
Sinasabing umabot na sa higit 40 pares ng plaka ang ninakaw ng grupo na kinukuha raw sa planta at inilalagay sa likod ng mga damit nila.
Dahil dito pinaiimbistigahan ni LTO Chief Mendoza ang buong hanay ng ahensya dahil sa nabistong nakaw plaka modus sa planta.
