National News
1 Pinoy, kabilang sa 13 crew members ng lumubog na cargo ship sa Japan
Isang Pinoy ang nakumpirmang kasama sa 13 crew members ng isang cargo ship na lumubog sa Japan dakong 10:15 ng gabi noong Sabado, Pebrero 29.
Ayon sa Japan Coast Guard, nabangga ang sinasakyang Belize-Flagged Cargo Ship sa isang fishing boat sa Northeastern Japan Prefecture ng Aomori.
Mabilis na lumubog ang 1,989-toneladang barko na Guo Xing 1 na lulan ang 3,150 tonelada ng scrap metal mula sa Hachinohe, Aomori Prefecture at dadalhin sana papuntang South Korea.
Bukod sa Pinoy crew, kabilang din sa pinaghahanap ang 7 Chinese at 5 Vietnamese.
Tanging 1 Vietnamese na crewmember ang nasagip sa naturang pangyayari.
