Connect with us

15% na taripa sa bigas, pinalagan ng mga senador

15% na taripa sa bigas, pinalagan ng mga senador

National News

15% na taripa sa bigas, pinalagan ng mga senador

Inalmahan ni Sen. Imee Marcos ang plano ng National Economic Development Authority (NEDA) na ibaba ang taripa ng imported na bigas, karneng baboy at iba pang produkto.

Sa rekomendasyon ng NEDA, ibababa sa 15% ang taripa sa bigas mula 35% simula ngayong taon hanggang 2028.

Sinabi ni Marcos na ayaw niya sanang nagiging kontrabida pero hindi niya raw masisikmura ang naturang aksyon.

“15% na lang ang taripa ng imported na bigas, baboy at iba pa hanggang 2028???! Edi lalamunin ng mga imported ang palengke! Paano na ang mga lokal na magsasaka?” ayon kay Senate Committee in Agriculture, Vice Chair, Sen. Imee Marcos.

Sa nasabing hakbang aniya ng NEDA ay lulunurin ng mga imported product ang mga palengke kaya’t nakababahala ang magiging kalagayan ng mga magsasaka.

Si Sen. Cynthia Villar ay nababahala rin sa nasabing direksyon.

Posible raw kasi aniyang kapusin ang pondo na susuporta sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) maliban na lang kung may subsidiya dito ang pamahalaan.

“We will not have enough funds to support the Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) owning 2 hectares of land and below coming from tariff on imported rice as provided by law unless the national government is willing to provide subsidy for these,” ayon naman kay Senate Committee on Agriculture, Chair, Sen. Cynthia Villar.

Sa RCEF kasi napupunta ang nalilikom na pondo mula sa taripa ng bigas.

Pero sa kabila ng pananaw ng dalawang senadora ay tiwala naman si Senate President Francis Escudero na may positibong epekto sa ekonomiya ang hakbang ng administrasyong Marcos na ibaba ang taripa sa bigas at iba pang produkto.

Tiwala si Escudero na sa sandaling maibaba ang taripa ay bababa rin ang presyo na may epekto sa inflation at sa ekonomiya sa kabuuan.

“Pagbumaba ang inflation natin dahil mapababa natin ang presyo ng bigas posibleng bumaba sa less than 2 percent ang ating inflation. at dahil jan ‘yung ating mga economic indicators kabilang na ang interest rates sa pag-utang, kabilang na rin ang pag-utang ng mga negosyante dito sa bansa ay bababa na sana ay makatulong pa sa pagbaba ng ating ekonomiya,” saad ni SP, Sen. Francis Escudero.

Kasabay nito, tiwala naman si Escudereo na may sapat na kakayanan ang Department of Agriculture (DA) na tiyaking kikita pa rin ang mga local producer kahit pa dumagsa ang imported products sa bansa.

Ipinaalala ni Escudero na kaya nagkakaroon ng pagtaas ng presyo ay dahil sa kakulangan ng lokal na suplay kaya’t isa rin sa dapat na opsyon ay ang direktang pag-aangkat ng gobyerno ng mga produkto.

“Pag pumasok ang dayuhang suplay di naman tayo puwede na dependent na lamang dun. Dapat manatiling malakas pa din ang ating domestic production ng anumang uri ng pagkain. Sabay na dapat na ginagawa ‘yan mura at abot kayang pagkain para sa ating mga kababayan habang tinitiyak natin na may suporta tayo sa local producers para makapag-suplay ng sapat na pagkain sa atin sa di malayong hinaharap,” ani Escudero.

More in National News

Latest News

To Top