National News
15 OFWs mula Lebanon, nakatakdang umuwi ngayong linggo
Patuloy ang panawagan ng pamahalaan para sa agarang paglikas sa mga OFW (Overseas Filipino Workers) sa Lebanon.
Sa katunayan, ngayong Huwebes, Oktubre 3, 2024, kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na 15 OFWs mula Lebanon ang darating sa Pilipinas.
Setyembre 26 ang una sana nilang iskedyul para sa repatriation pero naantala ito dahil sa suspensyon ng mga biyahe mula sa Beirut.
Sa huling tala, mahigit 400 na mga Pinoy na mula Lebanon ang nakauwi sa Pilipinas simula noong Oktubre 2023.
Samantala, hinihimok ng Philippine Embassy sa Beirut ang lahat ng mga Pilipino sa bansa na manatiling mapagmatyag at iwasan ang mga lugar na may naitalang kaguluhan gaya ng Dahieh, Ghobeiry, Haret Hreik, Chiyah at Borj El Brajneh sa Lebanon.