National News
2 lider at 1 miyembro ng CTG, nasawi sa engkwentro sa Misamis Oriental at Agusan del Norte
2 lider at 1 miyembro ng teroristang grupo ang nasawi sa magkahiwalay na operasyon ng 29th at 16th Infantry Battalion sa Jabonga, Agusan del Norte at Gingoog City, Misamis Oriental.
Nitong Martes, nakatanggap ng impormasyon mula sa mga residente ng Brgy. Bal-ason, Gingoog City ang mga sundalo tungkol sa presensya ng teroristang CPP-NPA na nangingikil ng pera sa nasabing lugar.
Dahil dito agad nagsagawa ng operasyon ang 16th IB kung saan tumagal ng 10 minuto ang labanan ng militar at NPA na nagresulta sa pagkasawi nina Zaldy Galamiton alias Shaggy, Kalihim ng Sub-Regional Committee 1 at Jhonijhon Ayuma Ramos alias Erbing Commanding Officer ng SRSDG Eagles.
Samantala, noong Lunes isang kasapi ng Communist Terrorist Group (CTG) na kinilalang si Berto Dayong alias Sadam ang napatay din sa engkwentro sa Sitio Madbad Bangonay, Jabonga, Agusan del Norte.
Kaugnay nito, pinapurihan ni 4th ID Commander MGen. Jose Maria R. Cuerpo ll ang mabilis na aksyon ng mga sundalo sa sumbong ng taongbayan kung saan dahil ditto natulungan ang pamahalaan na makamit ang kapayapaan sa Misamis Oriental at Agusan del Norte.
