National News
2 magkasunod na pagbuga ng abo, naitala sa Bulkang Taal
Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang 2 magkasunod na pagbuga ng abo sa Bulkang Taal ngayong umaga.
Ayon sa PHIVOLCS, unang naitala ang pagbuga ng kulay dark gray na abo na tinatayang may taas na 500 meters, alas 6:17 ng umaga.
Habang sinundan ang pagbuga ng abo na may taas na 800 meters, alas 6:21 ng umaga.
Simula naman ng ala-1 ng hapon noong Linggo, sinabi ng PHIVOLCS na nakapagtala na sila ng 566 na volcanic eartquakes kung saan 172 dito ang naramdaman at nagtala ng magnitude 1.2 hanggang 4.1 na mayroong Intensity 1 hanggang 5.
Nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng 103 na volcanic earthquake sa nakalipas na magdamag at 14 dito ang naramdaman sa lakas na Intensity 1 hanggang 3.
Nilinaw din ng PHIVOLCS na ang mga paggalaw ng lupa na naitatala ay nangangahulugan ng patuloy na magmatic intrusion sa loob ng Taal na maaring kalaunan ay magresulta sa pagputok pa ng bulkan.