National News
2024 proposed budget ng OVP, mabilis na inaprubahan ng komite sa Kamara
Mabilis lamang na nakalusot sa makapangyarihang House Committee on Appropriations ang 2024 proposed national budget ng Office of the Vice President (OVP).
Mismong si Vice President Sara Duterte ang nag-depensa sa proposed budget ng kaniyang tanggapan sa susunod na taon.
Pagkatapos ng kaniyang opening speech, ay prinesinta ng OVP ang isang Audio Visual Presentation (AVP) para ipaliwanag kung saan gagamitin ang 2024 budget ng tanggapan.
At nang matapos ang AVP agad na nag-mosyon si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na i-terminate at aprubahan agad ng komite ang proposed funding ng OVP bilang ‘courtesy’ sa ikalawang pangulo ng bansa.
21 mambabatatas na miyembro ng komite ang pumabor sa mosyon kaya mabilis na naaprubahan ang panukalang pondo.
Wala nang nagawa ang mga progresibong mambabatas ng Makabayan Bloc na binalak harangin ang approval ng OVP budget dahil sa mga isyu na kanilang gustong itanong kay VP Sara.
Nang matanong naman patungkol sa kaniyang reaksyon, ‘maraming salamat’ lamang ang isinagot ng bise presidente.
Nasa P2.385-B ang 2024 proposed budget ng OVP, mas malaki ng kaunti sa P2.3-B budget nito ngayong taon.
