Connect with us

2500-km Undersea Cable Network, magbibigay ng mas mura at mabilis na internet service – PBBM

2500-km Undersea Cable Network sa Pilipinas

National News

2500-km Undersea Cable Network, magbibigay ng mas mura at mabilis na internet service – PBBM

Aasahan na ang mas mabilis at abot kayang serbisyo sa internet para sa mga Pilipino ayon kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ito ay matapos pormal na isagawa ang switch-on ceremony ng Philippine Domestic Submarine Cable Network.

Nakiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lighting ceremony ng Philippine Domestic Submarine Cable Network (PDSCN) sa Lungsod ng Makati kahapon, ika-15 ng Pebrero.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni PBBM na ang proyekto ay magbibigay ng mas mabilis na internet sa mga Pilipino at pagkokonektahin ang mga lalawigan.

Ang Philippine Domestic Submarine Cable Network o ang PDSCN ay may haba na humigit-kumulang 2,500 kilometro.

Ito na ngayon ang pinakamahaba at pinakamataas na capacity domestic submarine fiber cable network sa Pilipinas, na nag-uugnay sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ang PDSCN, ayon sa InfiniVAN Inc. Chairman na si Koji Miyashita, ay nagkokonekta sa mga isla na may mga touch point sa 21 probinsya, mula Quezon hanggang Zamboanga.

Inihayag naman ni Pangulong Marcos na patuloy na nagsasagawa ang pamahalaan ng mga hakbang tungo sa pagbibigay sa mamamayang Pilipino ng maaasahan at mura o abot-kayang serbisyo sa internet.

Ito aniya ay magbibigay-daan din na mapabuti ang katayuan ng Pilipinas pagdating sa broadband at mobile internet speed at coverage.

Sa kabilang dako, inilahad ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy na ang proyekto ay naglalayon na magbigay ng inclusive connectivity sa buong Pilipinas, partikular sa mga lugar na kulang sa serbisyo at hindi naseserbisyuhan.

Ang $150-million PDSCN project ay magkasanib na proyekto ng InfiniVAN Inc., Globe Telecom at Eastern Telecom sa pakikipag-ugnayan sa DICT.

Kaugnay dito, binati ng Pangulo ang InfiniVAN at ang mga katuwang nito para sa pagsasakatuparan ng nasabing proyekto.

Ang InfiniVAN Inc., na affiliated sa Tokyo Stock Exchange-listed IPS, Inc., ay isang telecommunications company na may 25-year congressional franchise para bumuo, magpatakbo at mag-maintain ng wired at wireless network.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang PDSCN ay isang shared vision ng Pilipinas at Japan.

Pinasalamatan naman ni PBBM ang Japan habang umaasa sa higit pang pakikipagtulungan sa hinaharap.

Continue Reading
You may also like...

More in National News

Latest News

To Top