National News
University of Makati, aminadong hindi kinikilala ng CHED
Nilinaw ng University of Makati (UMak) na hindi nagtapos sa kurso ng political science si Senator Manny Pacquiao sa loob lamang ng tatlong buwan.
Sa panayam ng Sonshine Radio kay Dr. Elyxzur C. Ramos, Vice President for Academic Affairs ng UMak, sinabi nito na pumasa ang senador sa equivalency program ng unibersidad.
“Unang-una po, hindi po totoo yun nuh, nagsimula po siyang nag-attend ng kaniyang modular classes ng 2018 so it took him actually 16 months to finish the program so yung prinsipyo po ng equivalency is we actually give credits to the work experience to the person training and seminars that the person has actually undergone,” ang paliwanag ni Ramos.
Dagdag pa ni Ramos, pasok ang mga work experience ni Pacquiao sa larangan ng pulitika at pagnenegosyo kaya kwalipikado ito sa naturang programa.
“Iyong political science degree, akmang-akma sa kanya dahil ‘yung experience niya – siya ay naging congressman bago siya ay naging senador tapos meron din siya po’ng – you know, he’s very much involved in politics in his home province even before when he became a senator. And he has several businesses that he also branch through his hard-earned earnings. So, sa tingin po namin, sa criteria po na meron po ang University of Makati when he applied, ay he qualified for admission in our equivalency program.”
Binigyang-diin din ni Ramos na hindi lahat ng nag-aaplay para sa kanilang equivalency program ay natanggap, ngunit marami aniyang appointed at elected officials sa bansa ang nakakuha ng kanilang degree sa pamamagitan ng naturang programa.
Samantala, aminado naman si Ramos na hindi kinikilala o accreditted ng Commission o Higher Education (CHED) ang UMak at ang mga kurso dito.
Aniya, isinusulong nila ang kanilang autonomiya bilang isang government institution ngunit matibay naman aniya ang kanilang relasyon sa CHED.
Nabatid na may ilang mga estudyante na nagkakaproblema sa kanilang trabaho dahil hinahanapan sila ng sertipikasyon ng kanilang natapos mula sa CHED.