National News
3 empleyado ng LTFRB sa CDO, sinibak dahil sa katiwalian
Tatlong empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang sinibak sa trabaho dahil sa pagkakasangkot sa “fixing” activities sa Cagayan De Oro City.
Sa press release na inilabas ng LTFRB, kinilala ang mga sinibak na sina Rustom Tolentino, Dahlee Joy Saud, at Jamil Dimakuta na nakatalaga sa LTFRB-Northern Mindanao Office.
Ayon sa LTFRB, ang pagsibak ay kasunod ng kanilang imbestigasyon sa reklamo na humihingi ng 50,000 pesos hanggang 60,000 pesos sina Tolentino at Saud bilang “additional payments” para sa pagproseso ng mga prangkisa maliban sa standard processing fees.
Nag-ugat naman aniya ang imbestigasyon kay Dimakuta matapos magreklamo ang isang taxi operator kung saan inaakusahan ito na humihingi ng 50,000 piso para sa pagproseso ng taxi franchise application ng complainant.
Sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na ang pagsibak sa tatlong tiwaling empleyado ay patunay ng pagsisikap ng ahensya na linisin ang kanilang hanay sa korupsyon.
-Ulat ni Karen David