National News
300 military exercises, maapektuhan sa pagbasura ng VFA
Malaki ang magiging epekto kapag tuluyang nawala ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ito ang iginiit ni US State Department Assistant Secretary for Political-Military Affairs Rene Clarke Cooper sa isang phone interview sa US Embassy Manila.
Ayon kay Cooper, nasa 300 military exercises ang maapektuhan ng pagkawala ng VFA.

Photo Courtesy: Exercise Balikatan FB
Layunin anya ng nasabing military exercises na mapahusay ang “interoperability” ng dalawang bansa.
Gayundin sa pagtatanggol ng soberanya, kapayapaan, seguridad at stabilidad sa rehiyon.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang pinal na hakbang ng Malacañang hinggil sa VFA.
House Speaker sa VFA
Samantala, naniniwala si House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi lamang ang VFA ang dapat suriin ng pamahalaan kundi maging ang relasyon ng bansa sa Estados Unidos.
Binigyang diin ni Cayetano na ang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa ay dapat mabuo sa pundasyon ng pagkakapantay-pantay at respeto sa bawat isa.

Photo Courtesy: Exercise Balikatan FB
Bagamat kinikilala ang proteksyon at tulong ng US na nakapaloob sa kasunduan ay tila nababalewala naman ito kung nagkakaroon ng banggaan ang interes ng bansa at ng US.
Naniniwala si Cayetano na napapanahon nang ikonsidera ang pag-basura sa VFA.
Ang VFA, ay pinirmahan noong February 1998 kung saan ay nagtatakda ng mga kondisyon sa pagsasagawa ng pagbisita ng US troops sa Pilipinas.
Bagong VFA
Handa naman ang Malacañang na pumasok sa panibagong Visiting Forces Agreement sa pagitan ng ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos i-terminate ni Pang. Rodrigo Duterte ang kasunduan sa Estados Unidos.
Sa ilalim ng VFA, hinahayaan ang mga tropang Amerikano na pumasok sa pilipinas kahit walang pasaporte o visa sa diwa ng “kooperasyon” para sa interes panseguridad ng dalawang bansa.
