Regional
30K housing units, itatayo sa Cebu City sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program
Patuloy na dumarami ang local government units (LGUs) na nagpapahayag ng suporta para sa pagsasakatuparan ng ng administrasyong Marcos.
Sa kaniyang unang pagbisita sa Cebu bilang Presidente, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkakaloob ang gobyerno ng 30,000 housing units para sa mga residente ng Cebu City.
Kasabay nito, personal na pinangunahan ni PBBM ang groundbreaking ceremony ng Cebu City South Coastal Urban Development Housing Project sa Barangay Basak San Nicolas.
Pinasalamatan naman ni PBBM ang lokal na pamahalaan ng Cebu City at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno sa buong suporta nito sa proyektong pabahay.
Bukod sa mga housing unit, sinabi ng punong ehekutibo na magtatayo rin ang pamahalaan ng iba pang imprastraktura sa lugar tulad ng mga paaralan, palengke, health center at iba pang business establishments para mapanatili ang komunidad.
Handog ang naturang proyekto para sa halos 8,000 na informal settler families (ISFs) at low-wage earners sa Lungsod ng Cebu.
Sa unang phase ng proyekto, magtatayo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ng 10 na 20-storey buildings sa loob ng 25 na ektarya ng lupa na inilaan ng gobyerno.
Sa parehong okasyon, tiniyak naman ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na may sapat na pondo para sa programa ng pangulo sa pabahay.
Ang Speaker, kasama ang iba pang lokal na opisyal ng Cebu, kabilang sina Gobernador Gwendolyn Garcia at Cebu City Mayor Mike Rama, ay dumalo rin sa groundbreaking rites.
Samantala, inihayag ni Pangulong Marcos na isang malaking hamon para sa DSHUD na magtayo ng humigit-kumulang 1 milyong housing units bawat taon sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Gayunpaman, ipinunto ng punong ehekutibo na kumpiyansa siya na hindi imposibleng maabot ang naturang target.
“Sa tulong ng mga masisipag na kawani ng DHSUD, na pinangungunahan ni Secretary Jerry Acuzar, naniniwala akong kayang-kaya natin itong makamit sa ilalim ng aking panunungkulan,” saad ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr.
Mababatid na layon ng Marcos administration na makapagpatayo ng 6 na milyon na housing units ang gobyerno hanggang sa 2028.
