National News
4.3M sako ng bigas, ibibigay sa mga apektado ng bagyong Kristine
Hindi pa man nagla-landfall ang Tropical Depression Kristine ay nagmistulang dagat na ang ilang lugar sa bansa dahil sa matinding ulan at pagbaha.
Sabi ng grupong Federation of Free Farmers (FFF), maapektuhan na naman dito ang lokal na produksyon ng mga magsasaka.
Makabubuti anila na mas maraming drying facility ang maibahagi ng gobyerno upang mapakinabangan pa ang mga nabasang palay.
Kung titingnan ay nag-ikot naman si National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson para siguruhin ang kahandaan ng kanilang mga warehouse sa iba’t ibang rehiyon.
Ito ay para matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas para sa emergency at relief operations ng mga lalawigan na nakakaranas ng epekto ng bagyo.
Kaugnay nito, tig-500 sako ng bigas ang nakatakdang ipadala sa Sorsogon at Catanduanes upang ipamahagi sa mga apektadong pamilya.
Papalo naman sa 4.3M sako ng bigas ang nasa imbentaryo ng NFA at sapat anila ito para tugunan ang mga relief operation sa panahon ng sakuna.
Sa kabilang banda, sa magiging pinsala ng bagyong Kristine sa sektor ng agrikultura, naniniwala ang Department of Agriculture (DA) na hindi ito gaanong malaki.
Ayon kay DA Asec. Arnel de Mesa, susi dito ang maagang abiso sa mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim na maituturing na ‘matured crops’.
Gayunpaman, nakahanda parin ang mga tulong na maaaaring ipamahagi sa mga magsasaka at mangingisda.
Kabilang na rito ang binhi, abono, at mga kagamitang pansaka at pangisda bukod pa sa bilyong pisong pondo mula naman sa quick response fund.
