National News
4 na bagong kaso ng COVID-19, naitala ng DOH; kaso sa bansa, umakyat na sa 10
Umakyat na sa 10 ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ay matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang 4 na bagong kaso ng COVID-19.
Ayon sa DOH ang pang-pitong kaso ay isang 38-anyos na lalaking Taiwanese na may history of contact sa kapwa Taiwanese na bumisita sa Pilipinas at nagpositibo sa COVID-19 sa Taiwan.
Isang 32-anyos na lalaking Filipino ang pang-walong pasyente na nagtungo sa Japan sa loob ng 14 na araw kung saan nagsimula ang sintomas nito noong March 5.
May travel history naman sa USA at South Korea ang pang-siyam na kaso ng isang 86-anyos na lalaking American na nagsimula ang sintomas noong Marso 1.
Habang wala namang travel history sa labas ng bansa ang pang-sampu na isang 57-anyos na Pinoy na sinasabing nahawaan ng may sakit na COVID-19 at ito ay iniimbestigahan na ng DOH.
Ang 4 na bagong kumpirmadong kaso ay nasuri noong Marso 7 at inilabas ang resulta nitong Marso 8.
Dagdag pa ng DOH, ang mga bagong kaso ng COVID-19 ay nasa pribadong pagamutan na.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa isa ang bilang ng nasawi sa COVID-19 sa bansa habang aabot sa 3,800 ang global death toll sa mga bansang apektado ng naturang sakit.