National News
45 Pinoy na uuwi mula China dahil sa 2019-nCoV, nakahanda na
Handa na ang repatriation team ng Department of Foreign Affairs para alalayan ang mga Pilipino na iuuwi pabalik sa Pilipinas mula Wuhan City at Hubei Province dahil sa banta ng 2019 Novel Coronavirus (2019-nCoV).
Ayon sa DFA pinangunahan ng mga opisyal ng Philippine Consulate General ng Shanghai ang consultation meeting kahapon kasama ng mga miyembro ng Filipino community sa Wuhan at sa Hubei province kung saan kanilang tinalakay ang iba pang detalye ng operasyon kaugnay sa pagpapauwi sa mga Pinoy.
Dagdag pa ng DFA nasa 45 na mga Pilipino ang kumpirmado para sa unang batch ng repatriation na nakatakda bukas ang flight na inaasahan darating sa araw ng Linggo ng umaga sa Clark International Airport.
Pagdating ng mga ito bukas ay agad silang dadalhin sa Athlete’s Village sa New Clark City sa Tarlac upang sumailalim sa 14 days mandatory quarantine alinsunod sa guidelines ng Department of Health.
Matatandaan nito lamang jan. 28,2020 unang ginawa ang panawagan at Feb.5 naman ang deadline na binigay ng DFA sa mga Pilipino sa Wuhan City at Hubei Province para sa repatriation ng mga ito.