Metro News
5 miyembro ng airport police, sangkot sa robbery extortion sa isang Chinese national
Makaraang ireklamo ay pinaghahanap ngayon ng Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP) ang 5 miyembro ng airport police na sangkot sa pangingikil sa isang Chinese national na naghatid lamang ng kaibigan sa NAIA Terminal 3.
Sa sinumpaang salaysay ng biktima, nangyari ang pangingikil sa kanya alas 6 ng gabi noong Linggo, Pebrero 4, habang inihahatid niya ang kapwa Chinese national ng lapitan at sitahin sila ng mga tauhan ng Airport Police Department (APD) kung saan hinahanap ang pasaporte nito.
Bagama’t naipakita nito ang larawan ng kanyang pasaporte sa pamamagitan ng kanyang cellphone, dinala pa rin aniya sila sa ika-4 na palapag ng NAIA Terminal 3.
Gumamit ng translator ang mga salarin para takutin ang biktima at ikukulong kung hindi magbabayad ng P15-K na agad ring binayaran dahil sa takot.
Ayon kay PNP-AVSEGROUP Station Commander PLt.Col. Alfred Lim, robbery extortion ang isasampa nilang reklamo sa Pasay City Prosecutors Office laban sa 5 suspek.
Patuloy din aniya silang nakikipag-ugnayan sa Manila International Airport Authority (MIAA) gayundin sa pamunuan ng APD para makatulong sa imbestigasyon.