COVID-19 UPDATES
5 pang PNP personnel, nagpositibo sa COVID-19
Umakyat na sa 55 ang bilang ng Philippine National Police (PNP) personnel na nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay PNP Health Service Director Police Brigadier General Herminio Tadeo Jr., kabilang sa 5 bagong kaso ay ang isang 43 taong gulang na pulis mula Laguna, isang 36 taong gulang na pulis mula Laguna, isang 29 taong gulang na pulis mula Muntinlupa, isang 29 taong gulang na pulis mula Taguig at isang 50 taong gulang na pulis mula Bulacan.
Sinabi ni Tadeo na mahigpit na mino-monitor ang 105 na PNP personnel na ikinokonsiderang probable persons under investigation (probable PUIs).
Habang 456 na PNP personnel ang inirekomendang suspected PUIs.
Sa ngayon, 8 pulis na ang naka-recover sa COVID-19.
Sumasailalim naman sa self-quarantine ang 20 PNP personnel sa COVID-19 patient care center sa Camp Crame at 93 PNP personnel sa Spring Hotel.
Samantala, 47 indibidwal na nagpapakalat ng fake news at mga hindi beripikadong impormasyon sa social media ang naaresto ng pulisya.
Gayundin ang dalawang online scammers na sangkot sa face mask scam.
Kasabay nito, nilinaw ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na walang katotohanan ang kumakalat na text tungkol sa standardization ng salary pension ng mga pulis.
Wala anyang direktiba ang PNP Retirement and Benefits Administration Service (PRBS) na tataas ng 29% ang pensyon ng PNP/INP retirees.
Nanawagan naman si Banac sa publiko na tanging beripikadong impormasyon lamang ang i-share sa social media upang maiwasan na magdulot ng pangamba o panic.