National News
52 OFWs mula Lebanon, ligtas na nakauwi sa Pilipinas
Ligtas na nakauwi sa Pilipinas ang 52 Overseas Filipino Workers (OFWs) at 4 nilang dependents mula sa Lebanon nitong Martes ng hapon sa ilalim ng voluntary repatriation program ng pamahalaan.
Pagdating nila sa NAIA Terminal 3, agad silang tinulungan ng isang “whole-of-government” team na pinamumunuan ng Department of Migrant Workers (DMW), kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), at iba pang ahensya.
Bukod sa pinansyal at medikal na suporta, makakatanggap din sila ng reintegration assistance mula sa National Reintegration Center for OFWs upang matulungan silang muling makapagsimula sa kanilang mga komunidad.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng gobyerno na tulungan ang mga OFW na naapektuhan ng sigalot sa pagitan ng Lebanon at Israel.
Mula noong Oktubre 2023, mahigit 2,800 OFWs at 107 dependents na ang na-repatriate ng pamahalaan mula sa Lebanon.
