Connect with us

6 na indibidwal, arestado ng NBI dahil sa tangkang dayaan sa halalan; Isa sa mga suspek, kamag-anak umano ni Benhur Abalos — NBI

6 na indibidwal, arestado ng NBI dahil sa tangkang dayaan sa halalan; Isa sa mga suspek, kamag-anak umano ni Benhur Abalos — NBI

National News

6 na indibidwal, arestado ng NBI dahil sa tangkang dayaan sa halalan; Isa sa mga suspek, kamag-anak umano ni Benhur Abalos — NBI

Iniharap ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang 6 na indibidwal na umano’y sangkot sa tangkang panunuhol at dayaan sa halalan kapalit ng pagkapanalo ni mayoral candidate Gerry Montefalcon ng Iba, Zambales.

Isa sa mga suspek ay nagpakilalang kamag-anak ng dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.

Matapos makatanggap ng ulat mula kay mayoral candidate Gerry Montefalcon ng Iba, Zambales, agad na ikinasa ng NBI ang entrapment operation laban sa 6 na katao na umano’y nag-aalok na manipulahin ang resulta ng halalan sa halagang P30-M.

Arestado ng NBI–Olongapo District Office at Special Task Force ang 6 na indibidwal na umano’y nagtatangkang baguhin ang resulta ng botohan gamit ang automated voting machines upang matiyak ang panalo ng isang mayoral candidate.

Kinilala ang mga suspek na sina Roland Ucab y Bayson, Teody Abalos y Almazan, Joseph Ong y Gamao, Cherrylyn Adriano y Umlas, Ralp Edward Salas y De Luna, at Francis James Mapua y Lascano.

Nagsimula ang imbestigasyon nang i-refer ng Commission on Elections (COMELEC) ang sumbong ni Montefalcon sa NBI.

Ayon kay Montefalcon, inalok siya ng mga suspek ng tiyak na panalo kapalit ng P30-M.

Noong Abril 2025, nilapitan umano siya nina Teody Abalos at Cherrylyn Adriano, at sinabing may koneksyon sila sa COMELEC at kayang baguhin ang resulta ng halalan gamit ang automated counting machines.

Ipinagmamalaki pa ni Abalos na siya raw ay pamangkin ni senatorial candidate Benhur Abalos at apo ng dating COMELEC Chairman Benjamin Abalos.

Dahil sa pagdududa, agad na nagsumbong si Montefalcon sa COMELEC at nagsumite ng screenshots ng kanilang usapan.

Ini-refer ito sa NBI-OLDO na nagplano agad ng entrapment operation katuwang ang NBI-STF.

Noong Mayo 8, 2025, nagpanggap si Montefalcon na papayag sa alok at nakipagkita sa mga suspek sa isang hotel sa Quezon City.

Doon, humingi ang mga suspek ng ₱15-M bilang paunang bayad at ang natitirang ₱15-M ay ibibigay umano pagkatapos ng halalan.

3 suspek na sina Adriano, Abalos, at Ong ang nakipagkita kay Montefalcon sa hotel lobby, habang ang 3 iba pa na sina Ucab, Salas, at Mapua ang kasama niya sa 1 kwarto kung saan naganap ang aktwal na transaksyon.

Matapos maibigay ang marked money, sabay na inaresto ng mga operatiba ang 6 na suspek.

Ayon kay dating NBI Director, Jaime Santiago, “Last night, ayun nagkasundo sila, they will meet at Seda Hotel in Quezon City para ibigay ang P15-M initial payment. Nagpapakilala sila they have connections sa COMELEC.”

Para naman kay Iba, Zambales Mayoral Candidate, Gerry Montefalco, “Ang ginawa ko tumawag ako sa COMELEC main office at nag-report at nag-request ng imbestigasyon. Sabi ng main office gumawa ako ng complaint, ina-attach ko ang screenshot ng communication naming. Sabi ng main office i-refer nila sa regional office COMELEC, hanggang sa umabot na sa NBI.”

Nang tanungin si Salas tungkol sa mga hard copies, sinabi nitong may nakahanda silang 18K blank ballots na ipapalit umano kapag naibigay na ang kabuuang halagang P30-M.

Aminado si Abalos na kamag-anak siya ng dating kalihim, ngunit giit niya, hindi siya ang lumapit kay Montefalcon.

Aniya, nag-refer lang siya dahil may bahagi siya sa P30-M.

Nagtuturuan ang ilan sa mga suspek at itinanggi ang mga akusasyon tulad ng kasong estafa, usurpation of authority, at paglabag sa Automated Election System Law ang isinampa sa mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI kung may totoong koneksyon sa COMELEC ang grupo.

Babala ni Director Santiago, huwag basta magpapaniwala sa mga grupong gumagamit ng pangalan ng gobyerno.

Kinumpirma din ni Santiago na marami sa mga nagrereklamong kandidato na may parehong modus ang hindi nakikipagtulugan sa naturang ahensya.

More in National News

Latest News

To Top