National News
7 patay, 14 sugatan ng tumaob ang dragon boat sa Boracay
NILINAW ng Philippine Coast Guard na pito ang nasawi at hindi walo na naunang napaulat, matapos lumubog ang dragon boat sa Sitio Tulubhan, Barangay Manoc-manoc sa Boracay kahapon ng umaga.
Habang labing apat naman ang sugatan kabilang ang isang Russian at Chinese National na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Kinilala ang mga namatay na sina John Vincent Natividad, mag-asawang Johan Tan at Maricel Tan, Rachel Montoya, Rose Antonette Supranes, Mark Vincent Navarete, at Arcob Comar na pawang miyembro ng Boracay Dragon Force.
Ayon sa Philippine Coast Guard, balak sana umikot ng grupo sa beach front habang nagsasanay subalit hinampas sila ng malakas na alon dahilan ng kanilang pagtaob.
Ang Dragon Force Team ay magsasanay sana para sa paparating na International Competition sa Thailand sa Nobyembre.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng PCG sa naturang insidente.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa pamilya ng mga biktima.
