National News
8 distressed OFW mula sa Saudi Arabia, tinulungang makauwi ng OFW Party-list
Pinangunahan ni overseas Filipino worker (OFW) Party-list Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang pagsalubong sa 8 distressed OFWs mula Riyadh, Saudi Arabia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Lunes, June 5, 2023.
Ayon sa kongresista, simula November 2022 nagsimulang tanggalin ang 8 OFW ng kanilang kumpanya sa Riyadh dahil hindi sila pumasok noong holiday ng naturang buwan.
Paliwanag ng 2 sa 8 OFWs, pinagawa sila ng apology letter ng kanilang kumpanya dahil sa hindi nila pagpasok noong araw ng holiday sa Riyadh.
Mahigit 100 silang worker ang hindi pumasok pero 8 lamang sila ang hindi gumawa ng apology letter.
Dahilan nila, wala silang nilabag na batas dahil nakasanayan nila na tuwing holiday ay walang pasok.
Lumapit na rin ang mga naturang OFWs sa Philippines Overseas Labor Office (POLO) Riyadh para pauwiin na lamang sila ng Pilipinas kaysa nakatambay lamang sila ng ilang buwan sa isang shelter ng kanilang kumpanya na walang ginagawa.
Medyo matagal nga lang anila ang proseso kaya sumangguni na ito sa OFW Party-list.
Kaugnay nito, aalamin pa ng mambabatas kung may nilabag ang kanilang recruitment agency sa mga naturang OFW.
