National News
8 pulis ng EPD, isinasangkot sa pagnanakaw sa Las Piñas
Isinailalim na sa restrictive custody ang 8 pulis na isinasangkot sa diumano’y robbery-extortion sa isang bahay ng Chinese national sa Las Piñas City noong April 2.
Ang mga sangkot ay mga operatiba ng Special Operations Unit (SOU) ng Eastern Police District (EPD).
Ayon sa operasyon ng mga pulis, may arrest warrant sila laban sa nasabing Chinese national dahil sa kasong illegal possession of firearms at nahuli naman daw nila ito.
Pero nabaligtad ang sitwasyon nang magreklamo ang kapatid ng Chinese national at sinabing maling tao ang nasa warrant at hindi ang kanyang kapatid.
Maliban dito, inakusahan rin ng pagnanakaw ang mga pulis nang tangayin raw nila ang nasa P27M cash mula sa bahay ng Chinese national, maliban pa sa sinasabing mga nawawalang foreign currencies, gold bar, at mga mamahaling relo.
Sa panayam kay EPD Director PBGen. Villamor Tuliao, kinumpirma nito na mga tauhan ng SOU ang sangkot, ngunit ang problema nga lang sa operasyon ay hindi naka-uniporme, walang body camera, at walang koordinasyon sa Las Piñas Police.
Posible namang maharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga pulis-suspek habang gumugulong ang imbestigasyon rito.
Bukod sa mga sangkot, kasama rin sa iniimbestigahan ang hepe ng yunit nito.
