National News
84 taong gulang na ina ni Senador Antonio Trillanes, ipapa-subpoena ni Pangulong Duterte
Nakatakdang ipa-subpoena ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 84 na taong gulang na ina ni Senador Antonio Trillanes kaugnay sa maanomalyang business transaction nito sa Philippine Navy.
Sa talumpati ng pangulo sa general assembly ng League Of Municipalities Of The Philippines sa Maynila kagabi, sinabi nito na isang araw ay kanyang ipapa-subpoena ang ina ng Trillanes sa ayaw o sa gusto ng senador.
Binigyang-diin ng pangulo na may kapangyarihan siya para ipatawag ang ina ng senador na si Estelita Fuentes Trillanes.
Setyembre 2018, unang inihayag ng pangulo ang alegasyon nito laban kay ginang Trillanes sa gitna ng kanyang pagbawi sa amnestiya ng senador.
Habang Nobyembre 2018 nang ibunyag ng pangulo na tahimik na binubusisi ng gobyerno ang papeles ng mga pinasok na transaksyon ni Estelita sa Philippine Navy noong nasa serbisyo pa ang senador at ang ama nito.
DZARNews