National News
86 dayuhan, nahuli sa operasyon vs. online scam sa Makati — BI
Nagsagawa ng malawakang raid ang Bureau of Immigration (BI) sa isang condominium sa Makati City noong ika-10 ng Abril, ngayong taon, at naaresto ang 86 na dayuhan na umano’y sangkot sa online scam operation.
Kabilang dito ang 82 Chinese national, 3 Malaysian national, at 1 Vietnamese.
Ang nasabing raid ay isinagawa sa kahabaan ng Sen. Gil Puyat Avenue, Brgy. Pio del Pilar, Makati City, noong nakaraang linggo.
Ito’y pinangunahan ng Fugitive Search Unit ng BI, sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), National Capital Region Field Unit.
Nakatanggap ang BI ng impormasyon na ang condominium ay ginagamit bilang isang “scam hub” kung saan pinipilit umano ang mga dayuhan na magtrabaho bilang scammer.
Ayon sa ulat ng nasabing ahensya, nagpadala ng distress message sa pamamagitan ng WhatsApp ang 1 Tsino na nagsasabing siya’y pinipigilan at hindi pinapayagang umalis sa kanyang trabaho.
Sa imbestigasyon, nabatid ng CIDG na ginagamit ng sindikato ang mga taktika ng e-commerce at love scam para kumita nang ilegal.
Niloloko umano ng mga scammer ang mga biktima sa pamamagitan ng pekeng online order o dating platform, at pinadadalhan ng pera ang mga biktima na hindi naman nakatatanggap ng mga kalakal o serbisyo.
Sa huli, bigo ang mga indibidwal magpakita ng mga dokumento na nagpapatunay na legal ang kanilang paninirahan o katayuan sa pagtatrabaho sa Pilipinas.
