National News
Abot kayang pabahay para sa mga agrarian benificiaries, ipamamahagi ng DAR
Mamamahagi ang Department of Agrarian Reform(DAR) katuwang ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ng mga disente at abot-kayang pabahay para sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) ng bansa.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, ang pagkakaloob ng pabahay sa mga magsasaka bago matapos ang Administrasyong Duterte ay isang napakalaking hamon, ngunit tiniyak aniya na pabibilisin ng kagawaran ang programa upang maraming makinabang dito.
Sa isang virtual public briefing, sinabi ng kalihim na hangarin nilang maihatid ang abot-kayang mga yunit ng pabahay sa halos 20% ng tatlong milyong ARBs sa bansa bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa susunod na taon.
Ang nasabing virtual orientation ay isinagawa ng departamento bilang kontribusyon nito sa pagdiriwang ng National Family Week na ipinagdiriwang mula Setyembre 20 hanggang nitong linggo ng A-26 ng kasalukuyang taon bilang ika-29 na taong pagdiriwang sa Pilipinas sa huling buong linggo ng Setyembre.
Dagdag ng kalihim, bagama’t mahirap aniya, pipilitin nito na makapag-pabahay sa maraming magsasaka bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan isa itong malaking tagumpay upang mai-angat ang buhay ng mga benepisyaryo sa ilalim ng Duterte Administration.
Ang nasabing proyektong pabahay ay isasagawa sa Umingan, Pangasinan, Bayombong, Nueva Vizvcaya, Gabaldon o San Jose City sa Nueva Ecija, Basey sa Samar, Argao, Cebu, Daet sa Camarines Norte at Calinan sa Davao City.
Ang programang BALAI Farmers at Farmworkers ’Housing Program ay magtatayo ng mga duplex-type na unit ng bahay na may dalawang silid tulugan, naka-tile na sahig, mga granite kitchen countertops at may sukat na 36 metro kuwadrado.
Sinabi pa ni DAR Undersecretary Emily Padilla na ang lupa at ang pag-develop at pati na rin ang pagbibigay ng kabuhayan para sa mga magsasakang titira ay libre.
Aniya, ang programa ay magbibigay din sa bawat pamayanan ng mga bio-digester para magamit sa paggawa ng petroleum gas para sa pagluluto, food processing center, pamilihan at solar-powered water system na patubig.
Batay sa pag-aaral ang mga pasilidad na ito ay maaaring magbigay ng buwanang kita mula P5,000 hanggang P8,000 bawat pamilya.
Gayunpaman, ang amortisasyon ng mga bahay ay babayaran ng mga benepisyaryo sa halagang P1,475 kada buwan na idadaan sa kooperatibang kinabibilangan nila sa loob ng 30 taon.
Ang pagkakaloob ng pabahay ay demand-driven at ang pagbabayad ay ibabatay sa kakayahan ng mga magsasaka na magbayad, kung saan ang maximum term ng pautang sa pabahay ay nasa 30 taon at ang iskemang pagbabayad ng amortisasyon ay batay sa pagtatanim at pag-aani ng mga magsasaka.