National News
ABS-CBN, niloloko na naman ang taumbayan – Atty. Gadon
Inilahad ni Atty. Larry Gadon ang bagong istilo ngayon ng panloloko ng ABS-CBN sa taumbayan.
Ito’y isang taon mahigit matapos ibasura sa Kamara ang franchise application ng dating network giant dahil sa iba’t-ibang mga paglabag.
Ayon kay Gadon, kuwestyunable ang paraan ng panghihikayat ng ABS-CBN ng mga investor kahit wala na silang prangkisa.
Sabi ni Gadon, “Ngayon, naglalabas pa sila ng mga impormasyon. Gumaganda raw yung kita ng ABS-CBN. Tumataas daw ang stocks nila ganyan. Eh alam na alam naman natin diba in their own financial statement na sinumbat sa SEC halos kalahati nalang yung kanilang income in year 2020 that time that the franchise is denied. Tapos sasabihin nila lumalaki yung kita? Tumataas raw yung stocks? Eh niloloko na naman nila yung publiko niyan. Gusto nila yung publiko bumili ng stocks ng ABS-CBN kahit na yung luging-lugi na. Eh yan ay malinaw na panloloko yan.”
Dahil dito, nanawagan si Gadon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na kalampagin nito ang ABS-CBN para panagutin sa kanilang tax avoidance scheme na una nang itinanggi ng kumpanya.
At ngayong nalalapit na naman ang budget season, hiniling ni Gadon na matalakay ito sa pagharap ng BIR sa Kongreso.
“The government can still go after the taxes kahit na halimbawa a few years back pa yun kasi merong deciet eh. Merong pagtatago at ah ‘yung tinatawag natin na concealment doon sa kanilang mga reports, taxes kaya pwede pa rin yung habulin ng gobyerno. Alalahanin natin na there is no waiver against the government pagdating sa taxes.”
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na hindi umano nagbabayad ng tamang buwis ang kumpanya.
Nasilip naman sa kasagsagan noon ng ABS-CBN franchise hearings ang tax avoidance scheme ng network gamit ang Big Dipper Digital Content and Design- isang digitial archiving firm ng kumpanya na nakarehistro sa Philippine Economic Authority (PEZA).
At ngayong paparating na ang kampanya para sa 2022 national elections, nanawagan naman ng abogado na isali ang ABS-CBN sa mga isyung dapat sagutin ng mga kakandidatong pangulo.
Aniya, mahalagang malaman kung ano ang panindigan ng isang presidential aspirant sa naturang usapin.
“Oo, dapat yan ay isa sa mga tanungin kung anong magiging polisiya ng kakandidatong presidente. Sapagkat napakalaking bagay niyan sa mga Pilipino. _ matagal tayong niloko ng ABS-CBN, matagal tayong pinagtaguan, matagal tayong niloko, matagal tayong na-brainwash at matagal tayong dinaya sa pamamagitan ng buwis.”
Sa ngayon ay nakabinbin pa sa Kongreso ang imbestigasyon kaugnay sa land title ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
