National News
Acrux variant, nangungunang kaso ng COVID-19 sa Central Luzon, Western Visayas
Nangunguna ang XBB 2.3 o Acrux variant sa naitalang kaso ng COVID-19 sa Central Luzon at Western Visayas.
Batay ito sa ibinahaging datos ni Dr. Guido David ng OCTA Research sa isinagawang COVID-19 biosurveillance ng Department of Health (DOH), katuwang ang Philippine Genome Center (PGC), Southern Philippines Medical Center (SPMC) at Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) noong Oct. 25, 2023.
Mula sa 34 samples na sinuri, 27 dito o 79% ay XBB 2.3 o Acrux variant.
Sunod ang XBB 1.9.1 o Hyperion na may 3 kaso at EG.5 na may 2.
Samantala nitong Lunes, Nov. 6, nakapagtala ang DOH ng 169 na bagong kaso ng COVID-19 habang 176 ang bilang ng mga gumaling.
Dahil dito, nasa 2,785 na lang ang aktibong kaso ng virus sa buong bansa.