National News
Administrasyong Marcos Jr., pinaka-corrupt sa kasaysayan ng pamahalaan — senatorial candidate
Sa kabila ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon, hindi lamang ang grupo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nananawagan ng katarungan kundi pati na rin ang iba pang sektor, kabilang ang mga hindi kasapi ng PDP Laban.
Ayon kay senatorial candidate Norberto Gonzales, ang administrasyong Marcos Jr. ang pinaka-corrupt na kanyang nasaksihan, at sinabi niyang ang politikal na sistema ang pinakamalaking balakid sa pag-unlad ng bansa.
Batay sa mga ulat, patuloy ang mga Pilipinong nananawagan ng malalim at makabuluhang reporma, partikular na sa paglutas ng katiwalian sa gobyerno.
Sa isang survey ng Publicus Asia, lumitaw na 20% ng mga Pilipino ang nagsabing ang katiwalian ang pangunahing isyung dapat tugunan ng administrasyon, kasunod ng mga isyu ng ekonomiya at inflation.
Ayon kay Gonzales, hangga’t hindi matitigil ang korapsyon sa pamahalaan, mananatiling mahirap para sa karaniwang tao na maramdaman ang benepisyo ng maayos na serbisyo publiko.
Binanggit niya rin na kung siya ay mahalal, sisiguraduhin niyang may hakbang na gagawin upang matigil ang panggagatas sa kaban ng bayan at upang ipakita sa mga tao ang tamang pamumulitika para sa pag-unlad ng bansa.
