National News
AFP, sang-ayon na si VP Sara ang mamili ng kanyang security detail
Walang nakikitang problema ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung si Vice President Sara Duterte ang mamimili ng kanyang security detail.
Sa panayam kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mas mainam aniya na mismong si VP Sara ang pipili ng mga taong magbibigay sa kanya ng seguridad na handang ialay ang buhay lalo na sa mga alanganing sitwasyon.
Inihalintulad pa nito ang nangyari kay US Presidential Candidate Donald Trump na handang sumalo ng bala ang kanyang security personnel kasunod ng assassination plot dito.
Kasabay nito, ipinaliwanag rin ng AFP ang nasa 400 na security detail ng pangalawang pangulo ay nakakalat sa iba’t-ibang panig ng bansa at saka lamang inaactivate ang mga ito depende sa mga lugar, at okasyon na pinupuntahan nito na nangangailangan ng mahigpit na seguridad para sa kaligtasan nito.
Bukod sa bise presidente, mayroon ding nakalaan para sa pamilya nito kung kinakailangan.
Sa huli, iginiit ng AFP na mandato nila na protektahan ang pangalawang pangulo at pangulo at iba pang VVIP na nangangailangan ng sapat na seguridad para sa kanilang kaligtasan.