National News
AFP, tinanggihan ang panawagan ni Cong. Alvarez na bawiin ang suporta kay PBBM
Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling buo ang kanilang suporta at katapatan sa konstitusyon at sa chain of command ng pamahalaan.
“The president is our commander in chief whoever the president is its very clear that we will follow that chain of command susundan natin ang utos ng commander in chief at klarong-klaro ‘yun sa lahat ng ating mga sundalo,” ayon kay AFP, Spokesperson, Gen. Romeo Brawner Jr.
Linggo ng gabi, Abril 14, nang ganapin ang Hakbang ng Maisug Prayer Rally sa Tagum City kung saan nanawagan si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa militar na bawiin na ang suporta nito kay Pangulong Bongbong Marcos.
Sa isang pahayag nitong Lunes, Abril 15, sinabi ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na ang mga sundalong Pilipino, piloto, at marinong Pilipino ay nakatuon sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas.
Samantala, muling nanindigan si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na mananatiling propesyonal ang organisasyon kahit pa hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng panawagan na bawiin ang suporta sa kasalukuyang administrasyon.
Nag-ugat ang panawagan ni Alvarez kasunod ng umiinit na tensyon sa pagitan ng China at Pilipinas kaugnay pa rin ng pinag-aagawang mga teritoryo sa South China Sea.
Pinabulaanan din ni Brawner ang isyu na ang administrasyon ni Marcos ang pasimuno ng tensyon.
“Definitely we are not the ones causing tension in the West Philippine Sea, it’s the other way around. We are going on with our usual business, our fishermen, our fishing in our exclusive economic zone and the AFP and the Coast Guard are protecting our fishermen so that they are able to fish in our exclusive economic zone,” pahayag pa ni Gen. Brawner Jr.