National News
AI camera, posibleng ipalit sa x-ray sa LRT at MRT — DOTr chief
May nakikitang solusyon ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) para makaiwas sa mala-box office na pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Muling nagsagawa ng inspeksyon si Transportation Secretary Vince Dizon sa mga istasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Natukoy daw ni Dizon ang ilang dahilan kung bakit mahaba ang pila ng mga pasahero sa mga istasyon ng tren na nagiging sanhi ng pagkaantala at abala para sa mga commuters.
Ayon kay Dizon, isa sa mga nagpapabagal sa daloy ng mga pasahero ay ang pagsailalim nila sa x-ray machine.
Kaya, pinag-aaralan ngayon ng ahensya ang posibilidad na tanggalin na lamang ito, “Ngayon kasi, kamukha halimbawa itong dinaanan natin ngayon na paglipat mula MRT-3 papuntang LRT-1, mayroong dalawang x-ray machine roon na nasa pinakamasikip na lugar. Ngayon, hindi peak hours, pero na-iimagine mo na kasagsagan ng biyahe ng mga kababayan natin na talagang napaka-grabe ng pila diyan. So, pinag-aaralan namin ngayon papaano natin matatanggal ang mga x-ray machines pero hindi naman natin isa-sakripisyo ang security ng ating mga kababayan. So, isa diyan ang pagdadagdag natin ng mga K9 sniffing dogs.”
Bukas din daw ang kalihim sa naging suhestiyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na lagyan na lamang ng AI camera ang mga istasyon ng tren, “Maglagay tayo ng mga AI na mga camera para matanggal natin ‘yung x-ray at giginhawa talaga ‘yung pagpasok ng mga kababayan natin sa mga LRT at MRT stations.”
