National News
Akusasyon vs. China, huwag gamitin para sa pansariling interes — Chinese official
Sinagot na ng China ang isyu sa pagka-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang Chinese national matapos madiskubre ang umano’y spy equipment sa loob ng sasakyan na nakaparada malapit sa main office ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila noong Martes.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Guo Jiakun, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang panig ng Tsina sa Pilipinas upang makakuha ng karagdagang impormasyon ukol sa insidente.
Muling binigyang-diin ng Chinese official na ang Tsina ay sumusunod sa “non-interference principle” o hindi pakikialam sa panloob na gawain ng ibang bansa, “More broadly, let me stress that China follows the principle of non-interference in other countries’ internal affairs.”
Saad pa ni Guo Jiakun, hindi nakikialam at hindi rin interesado na makialam ang Tsina sa mga internal na usapin ng Pilipinas, “We will not interfere and have no interest in interfering in the relevant internal affairs of the Philippines.”
Pinayuhan naman ng Chinese official ang ilang mga politiko sa Pilipinas na huwag gawing oportunidad ang insidente upang magpakalat ng mga isyu ukol sa China at magsagawa ng walang katuturang akusasyon para sa pansariling kapakinabangan, “We also advise certain politicians in the Philippines not to use it as an opportunity to propagate China-related issues and make groundless accusations for selfish gains.”
