National News
Alice Guo, sinampahan na ng kasong qualified trafficking– DOJ
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakapagsampa na sila ng kasong qualified human trafficking sa Pasig Regional Trial Court laban kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay DOJ Asec. Mico Clavano, kung makikitaan ng korte na may probable cause ang kanilang isinampang kaso ay magpapalabas ito ng warrant of arrest.
Walang bail o pyansa ang kasong human trafficking.
Maliban kay Guo ay kinasuhan na rin ng DOJ si Dennis Cunanan, ang dating Technology and Livelihood Resource Center (TLRC) Deputy Director General.
Sinampahan rin ng kaso ang umano’y naging business partners ni Alice, at ang representative ng Zun Yuan Technology maging ang 12 executives at founders ng tatlong kumpanya na dawit umano sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.
Nauna na ring sinabi ng DOJ na maghahain sila ng disciplinary case laban sa mga abogado ni Guo.
Sinabi ni DOJ Usec. Nicholas Ty, pekeng counter affidavit ang isinumite ng mga ito sa kanilang tanggapan para sa dating alkalde.
Ayon pa kay Ty, maliban sa nagnotaryo ay damay mismo dito ang mga abogado ni Guo dahil sila ang nag-attach o naglagay ng notaryo sa isinumiteng counter affidavit sa DOJ.
Matatandaang inamin na ni Elmer Galicia, ang abogadong nag-notaryo ng counter affidavit ni Guo na wala itong ginawang physical appearance nang gawin niya ang notaryo noong Agosto 14 sa Bulacan.
Samantala, ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na mayroon umanong isa sa Philippine National Police ang kasama sa monthly payroll ng POGO.
Ayon kay PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, former high-ranking police official ang kanyang tinutukoy na tumatanggap umano ng suhol para protektahan ang illegal online gaming business.
Binigyang-diin naman ni Villanueva na kino-confirm pa ito sa intelligence community.
Sa panig ng National Bureau of Investigation (NBI), iimbestigahan anila ang isyu lalo na’t sinabi rin na mayroong officials mula sa Bureau of Immigration (BI) ang tumulong kay Alice na maka-eskapo sa bansa.