National News
Alok ni Pang. Duterte na maging ‘drug czar’ hindi seryoso – VP Robredo
Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi seryoso si Pangulong Rodrigo Duterte sa pahayag nitong bigyan siya ng anim na buwan para pamunuan ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Sinabi ng Bise Presidente na wala siyang nakikitang rason para seryosohin ang alok ng Pangulo dahil hindi naman daw malinaw kung tapat ito sa kaniyang hamon.
“Marami nang beses in the past na mayroong mga sinasabing hindi naman mini-mean. Mayroong mga imbitasyon na babawiin. So hintayin muna natin. Mahirap mag-comment sa isang bagay na hindi pa naman nangyayari,” saad ni VP Robredo.
Ayon kay VP Robredo, hindi dapat dinadaan sa pagkapikon at pang-iinsulto ang ano mang mungkahing solusyon sa mga problema ng bansa gaya na lang sa usapin ng iligal na droga.
“Tingin ko iyong mga malalaking problema natin, hindi naman puwedeng idaan sa init ng ulo, hindi puwdeng idaan sa pagkapikon, hindi puwedeng idaan sa pang-iinsulto. Iyong mga problema natin, mga seryoso ito, na kailangan baka ipakalma muna iyong galit, kasi baka nakakapagbitaw ng mga salita na hindi naman… hindi naman mini-mean. Kaya ngayon, ayaw ko munang dagdagan,” dagdag ng Bise Presidente
Una nang pinuna ng Pangalawang Pangulo ang kabiguan ng administrasyon sa kampanya nito kontra iligal na droga.
Inihayag ni Robredo na sa ngayon ay nais lamang niyang pagtuunan ng pansin ang makapaglingkod sa mga pilipino sa natitira niyang tatlong taon sa termino.
Charlie Nosares