National News
Alyansa ng PDP sa PFP, ‘di pa malinaw
Habang papalapit na ang 2025 midterm elections ay inilahad ng isang opisyal ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na may inaasahang pagpapalit sa kanilang liderato.
Kasunod nito ay malalaman na rin kung magkakaroon ba ito ng alyansa sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP).
Sa gitna nang sunod-sunod na pag-aalyansa ng mga malalaking partido sa politika ay hindi pa malinaw sa ngayon ang magiging hakbang ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na kinabibilangan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero sa isang eksklusibong panayam kay Senador Francis “Tol” Tolentino sa SMNI ay sinabi nito na malalaman ang estado ng partido sa mga darating na araw.
Bagama’t wala pang opisyal na anunsyo mula sa PDP ay asahan na magkakaroon ng pagpapalit sa liderato nito.
Ayon kay Sen. Tol, si Congressman Jose “Pepito” Alvarez ay magbibitiw sa kanyang puwesto bilang National President.
Inaasahang papalit naman kay Alvarez sa mababakanteng pwesto si Senador Robin Padilla.
” Ang alam ko po sa PDP, hindi ako dapat ang magsalita nito, ay nagbitiw na o magbibitiw si Congressman Pepito Alvarez bilang pangulo at ang nakaaambang papalit sa kanya ay si Senador Robinhood Padilla,” ayon kay Partido Demokratiko Pilipino (PDP) VP for Luzon Sen. Francis Tolentino
Sa mga nagdaang linggo ay sunod-sunod na nagkaroon ng alyansa ang ilang malalaking partido para sa 2025 midterm elections
Unang nagkaroon ng Alyansa ang PFP at ang Lakas-CMD.
Miyembro ng PFP si Pang. Bongbong Marcos habang si House Speaker Martin Romualdez naman ang Chairman ng Lakas.
Nakipag Alyansa na rin ang PFP sa Nationalist People’s Coalition (NPC) na pinangungunahan ni Dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Inaasahan na maglalatag ng senatorial slate ang alyansa na pinangungunahan ni Marcos.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Tolentino na wala pang katiyakan kung ano ang magiging desisyon ng PDP.
“Ang PDP ngayon ay nananatiling hiwalay pa, kung ano man ang direksyon nito ay bahala na ang liderato kung sila ba ay papasok sa isang alyansa o manantiling hiwalay o independiente. So kagaya ng sinabi ko very fluid ang situwasyon,” dagdag pa ni Partido Demokratiko Pilipino (PDP) VP for Luzon Sen. Francis Tolentino.
