National News
ASF vaccines, magagamit na sa Setyembre
Handa nang gamitin ng gobyerno sa Setyembre ang bakuna laban sa African swine fever (ASF).
Sa pre-SONA briefing, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na ilalabas na ang ASF vaccines pero gobyerno lang muna ang gagamit nito.
Magiging limitado lamang ang paggamit ng ASF vaccines sa loob ng anim na buwan upang i-monitor kung papasa ito para sa commercial use.
Ang pahayag ni Laurel ay makaraang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng ASF vaccines mula sa Vietnam.
Aniya, “Iyong FDA has finally given the good signal for government use ng vaccine ng pork. So, the DA will be magpo-procure ng vaccine.”
Inilahad ng kalihim na prayoridad ng ahensiya na mabigyan ng mga bakunang ito ang mga mahihirap na nagba-backyard farming lalo na sa red zone o nasa highly infected areas.
Sabi ni Laurel, “DA has to bid it out ‘no. So, hopefully, you know, bureaucracy ang kalaban ko dito eh. So sana by September ay ma-rollout na iyon at ma-vaccinate na iyong growers ng ating mga backyard.”
Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa ang DA chief na matutugunan ng bakunang ito ang problema sa ASF sa bansa.
Mababatid na matinding pinsala sa swine industry ang naidulot ng ASF, isang sakit na maaaring makahawa at makamatay sa mga alagang baboy sa farm maging sa mga ligaw na baboy.
Sa tala ng DA noong Marso, umabot sa halos 100 percent ang mortality rate ng mga alagang baboy sa bansa dahil sa ASF.