Regional
Assessment ng DPWH sa structural integrity ng mga imprastraktura sa mga apektadong lugar ng lindol, nagpapatuloy
Patuloy ang isinasagawang assessment ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa structural integrity ng mga pangunahing imprastraktura sa mga lugar na inuga ng malakas na pagyanig sa Luzon.
Sa panayam ng DZAR Sonshine Radio at SMNI kay public Works Secretary Mark Villar, inihayag nito na personal niyang binisita ang ilang kalsada at tulay sa Central Luzon na napinsala ng magnitude 6.1 na lindol, gaya ng San Pedro Bridge sa Floridablanca, Pampanga.
Sinabi ni Villar na ang Pampanga ang may malaking pinsala sa imprastraktura.
Ayon sa kalihim, hindi pa madaanan ng mga sasakyan ang Floridablanca Consuelo Bridge at Dolores hanggang Calibutbut/Maliwalo sa Bacolor, Pampanga.
Aniya, na-clear na ang debris sa Dinalupihan-Pampanga boundary arch na gumuho dahil sa pagyanig habang light vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Sasmuan-Lubao Bridge.
Dagdag ni Villar, ipinag-utos niya na sa kanyang mga tauhan ang assessment sa mga pangunahing highways sa mga lugar na inuga ng lindol.
Nagdeploy rin aniya sila ng team para sa rescue efforts sa gumuhong supermarket sa Porac, Pampanga at kumuha na rin sila ng samples dito na gagawing batayan para malaman ang sanhi ng pagguho ng gusali.