National News
Atty. Roque, may ipinaliwanag hinggil sa pagpapalit ng mga logo na ikinagalit ng publiko
Hindi mismong sa pagpapalit ng logo nagagalit ang taumbayan.
Ito ang inihayag ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa kanyang programa sa SMNI News.
Paliwanag ni Roque, ang ikinagalit ng publiko ay ang malaking pondo na ginastos para sa pagpapalit ng isang logo.
Tulad aniya ito sa nangyari sa Department of Tourism (DOT) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Hinggil naman sa inilunsad na bagong slogan at logo ng Marcos administration, binigyang-diin ni Roque na in-house ang paggawa ng ‘Bagong Pilipinas’ at walang pondong ginamit para gawin ito.
Nais namang iparating ng bagong slogan ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na ‘Bagong Pilipinas’ ang pagbabago sa lahat na sektor ng lipunan at pamahalaan.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 24 na nilagdaan ni Executive Sec. Lucas Bersamin nitong July 3, kasama sa mga ipinarating ng bagong slogan ang comprehensive policy reforms at full economic recovery ng bansa.
Kasunod ng paglulunsad ng bagong slogan, ipinag-utos na rin ni Pangulong Marcos Jr. ang paglagay ng campaign logo sa bawat letterheads, websites, official social media accounts, at iba pang dokumento o instrumento na nauugnay sa flagship programs ng pamahalaan.