National News
Bagong 10-dash line map ng China, hindi tinanggap ng Pilipinas
Ni-reject ng Pilipinas ang bagong ’10-dash line’ map ng China na halos sumakop na ito sa buong South China Sea.
Sa inilabas na official statement ng DFA, hindi tanggap ng Pilipinas ang 2023 version ng standard map ng China na inisyu ng Ministry of Natural Resources ng People’s Republic of China noong Agosto 28.
Ito ay dahil isinama dito ang 9-dashed line na ngayong ay ginawang 10-dashed line na sana’y nagpapakita ng hangganan o boundary ng China sa South China Sea.
Ayon pa sa DFA, walang basehan sa ilalim ng International law partikular na ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang balak ng China na i-legitimize ang karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa ilalim rin ng 2016 arbitral award ay pinawalang bisa ang 9-dashed line ng China.
Kaugnay nito, nanawagan ang Pilipinas sa China na maging responsible sa bawat kilos at sundin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng UNCLOS at ng 2016 arbitral award.