National News
Bagong multi-purpose building para sa mga senior citizen, itatayo sa Quezon City
Magkakaroon ng bagong multi-purpose building para sa mga senior citizen ang Quezon City.
Ito’y matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony ng itatayong gusali sa Brgy. Project 6 sa pakikipagtulungan ng Senior Citizens Party-list at ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon.
Nasa P20-M ang pondong inilaan para sa tatlong (3) palapag na gusali na inaasahang matatapos sa loob lamang ng anim na buwan.

Senior Citizens PL Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes at Quezon City 1st District Rep. Onyx Crisologo sa groundbreaking ceremony ng 3-storey multi-purpose building para sa mga senior citizen na itatayo sa Project 6, QC.
Proyekto ito ng namayapang kinatawan ng Senior Citizens Partylist na si Cong. Francisco “Jun” Datol na ipinagpatuloy ni incumbent Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes.
“Dalawa lang po ang pangarap ko. Magkaroon ng tahanan ang bawat senior citizen sa bawat barangay o lugar at ‘yung pagkakaisa ng bawat po nating mga senior citizen,” wika ni Ordanes.
Umaasa din ang mambabatas na iwasan muna ng mga senior citizen ang pulitika at magkaisa.
“Sana lahat ang senior citizens ay magkaisa po, iwasan po natin yung pulitika. Ika nga ang seniors na nagkakaisa laging masaya. Yun po ang aking pangarap,” dagdag pa ni Ordanes.
Pinangunahan ni Ordanes ang groundbreaking ceremony ng itatayong gusali kasama si Quezon City 1st District Onyx Crisologo.
Tuluy-tuloy ngayon ang proyektong ito ng Senior Citizens Partylist para sa kapakanan ng mga matatandang mamamayan ng bansa na sinimulan nito buhat nang maupo sila sa kongreso.
Kamakailan lang ay binuksan rin ng partylist ang bagong multi-purpose building ng mga senior sa Barangay Polangi, Calbiga Samar habang noong nakaraang buwan ay pinasinayaan naman ang bagong gusali sa bayan ng Oas, Albay.
