National News
Bamban Mayor Alice Guo, dapat ma-expel sa NPC – Sen. Gatchalian
Inirekomenda na ng Department of Interior and Local Government (DILG) na patawan ng preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kasunod ng mga agam-agam sa kaniyang tunay na pagkakakilanlan, maging ang pagkakasangkot niya sa mga iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
At hindi lang yan dahil, si Senator Sherwin Gatchalian, na miyembro ng National People’s Coalition (NPC) Council of Advisers, gusto ring ma-expel o mapatalsik si Guo sa kanilang partido.
Ayon kay Gatchalian, tumakbong independent candidate si Guo noong 2022 elections at tsaka lang nagpa-miyembro sa NPC noong ito ay naupo na sa puwesto.
“It is not the type of member we want for our party. Importante ‘yung mga members namin, mataas ang kanilang integridad, good moral conduct and importante na hindi nasasangkot sa kriminalidad.”
“Importante na mamaintain namin ‘yung integrity nang memoirs ng NPC, because it will set a precedent and in fact when noong kumandidato siya noong 2022, hindi naman yan NPC ‘yung kaniyang certificate of candidacy, independent siya. Noong nanalo siya, normal naman kung nanalo ka umaalyado ka sa ruling party, umalyado siya NPC kasi ang buong Tarlac NPC,” ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Samantala, dahil sa pagkakasangkot ni Mayor Alice Guo sa POGO, una nang nagbabala si Gatchalian sa paglitaw ng POGO politics sa bansa kung saan ang mga sindikato sa likod ng POGO operations ay may kaugnayan daw sa mga nakaupo sa puwesto.
Ayon sa senador, minamanmanan na rin ng mga awtoridad ang mga kahalintulad na aktibidad sa iba’t ibang lugar.
May panukalang batas din siya na ipasara na ang POGO.
Ayon naman kay Senate President Chiz Escudero, kung ipapasara ang POGO ay dapat lahatin at idamay na rin ang iba pang uri ng pasugalan sa bansa.
“Personally, ang mas gusto ko nga, kung gusto nating mag ban ng pasugalan… eh ‘di i-ban na lang natin lahat. Para wala nang sugal sa Pilipinas kung talagang iyan ang gusto natin at ‘yung mga kasamaang associated at nakadikit sa pagsusugal. Tulad ng trafficking, money laundering, cyber fraud,” ani Sen. Chiz Escudero.
Pero ayon kay Gatchalian, kumpara sa casino, krimen lang naman ang dala ng POGO.
“Hindi natin sila pwedeng isama sa casino business dito sa Pilipinas kasi iba ‘yung kanilang activities. Ito criminal activities talaga ang POGO.”
Ilan sa mga Manila congressman suportado ang pagpapasara ng POGO, maging ang iba pang pasugalan tulad ng mga online gaming na kayang puntiryahin ang mga bata.
Maliban nga sa online, ay puwede na rin daw’ng makapag-alok ng sugal sa pamamagitan ng text. Ang isyu ngang ito ay dapat na raw’ng ma-resolba kaagad ng mga telecom.
“Sinulatan namin sila kung talagang ina-allow talaga itong mga offering ng pagsusugal thru text messages kasi paano ba ‘yan may age restrictions ba ya, paano kung bata ang may hawak ng cellphone, iki-click lang niya ‘yung link, pwede na siya magsugal,” saad ni Manila, District 5 Representative, Cong. Irwin Tieng.
“Dapat ang sugal hindi accessible, if you make it online, mga bata titirahin na ‘yang sugal. ‘Yung baon nila. ‘yan ang pinakamalaking kasalanan na puwede nating gawin sa ating lipunan,” pahayag ni Manila, District 1 Representative, Cong. Ernix Dionisio.
