National News
Batas para sa pagtatag at pag-institutionalize ng mga specialty health center sa buong bansa, inaprubahan ni PBBM
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes noong nakaraang linggo ang Republic Act (RA) No. 11959, o ang Regional Specialty Centers Act.
Ito ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na magtatag at mag-institutionalize ng mga healthcare center sa iba’t ibang rehiyon.
Layon ng naturang batas na matiyak ang accessible at abot-kayang healthcare services para sa lahat.
Magkakabisa ang batas 15 araw mula sa pagkakalathala nito sa Official Gazette, o sa isang newspaper of general circulation.
Ito ay isang konsolidasyon ng Senate Bill No. 2212 at House Bill No. 7751, na isinailalim sa isang bicameral conference committee meeting, na ang ulat ay pinagtibay ng Senado at ng House of Representatives noong Mayo 31, 2023.
Ang RA 11959 ay tatawaging ‘An Act Establishing Specialty Centers in Department of Health Hospitals in Every Region and in Government-owned or -Controlled Corporation Specialty Hospitals and Appropriating Funds Therefor.”
Sa ilalim ng batas, itinalaga ang Department of Health (DOH) na magtatag ng mga specialty center sa mga ospital nito sa bawat rehiyon at sa mga specialty hospital ng GOCC.
Nakasaad dito na inuuna o prayoridad ang pangangalaga sa kanser, cardiovascular care, lung care, renal care at kidney transplant, brain at spine care, trauma care at burn care.
Dapat ding isaprayoridad ng mga specialty center ang orthopedic care, physical rehabilitation medicine, infectious disease at tropical medicine, toxicology, mental health, geriatric care, neonatal care, dermatology, eye care, at ear, nose, and throat care.
Inaatasan din ng batas ang DOH na ikategorya ang antas ng kakayahan sa serbisyo ng mga specialty center bilang National Specialty Centers (NSCs), Advanced Comprehensive Specialty Centers (ACSCs), at Basic Comprehensive Specialty Centers (BCSCs) alinsunod sa Philippine Health Facility Development Plan.
Binigyang-diin din nito na ang pagtatatag ng mga specialty center ay dapat sumunod sa guidelines na itinakda ng DOH sa pagpaplano at pagbibigay-prayoridad sa health facilities.
Ang pagpapatupad ng mga tuntunin at regulasyon ng batas ay dapat ipahayag ng DOH, sa pagsangguni sa NSCs, mga ospital ng DOH at iba pang stakeholder sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng batas.
