COVID-19 UPDATES
Bayanihan at volunteerism, patuloy na nangingibabaw sa bansa sa panahon ng COVID-19 crisis
Hindi talaga maiaalis sa mga Filipino ang pagkakapakita ng malasakit sa kapwa nila Pinoy sa panahon ng krisis gaya na lamang sa pagharap ng bansa sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) outbreak.
Ito ang ikinatuwa ni Senator Grace Poe matapos ang ginagawang bayanihan ng ilan nating mga kababayan at pagbuhay sa volunteerism.
Ani Poe, kabi-kabila kasi ang mga nakikita niyang nagpapaabot ng tulong mula sa mga indibidwal hanggang sa mga malalaking kumpanya at korporasyon.
Andiyan anya ang pagbibigay ng mga food packs, pagdo-donate ng mga basic commodities at personal protective equipments (ppe) tulad na lamang ng alcohol, sanitizer at face masks at maging pagpapasakay ng libre sa mga frontliners na kailangan pang pumasok sa kani-kanilang trabaho.
Hiling ng senadora na magpatuloy sana ang kabutihang ito ng ating mga kababayan na handang tumulong sa lubos na nangangailangan.
Hinimok naman ni Poe ang gobyerno na suportahan ang pagmamagandang loob ng mga ito at bigyan ng maayos na sistema para sa mas mabilis na ayuda.
Samantala, nagpaalala rin ang senadora sa mga volunteers na magdoble ingat at patuloy na protektahan ang mga sarili sa sakit.