National News
Bayanihan sa Scarborough Shoal, nagpapatuloy – PCG
Nagpapatuloy ang pagsasagawa ng “Bayanihan Sa Karagatan” ng Philippine Coast Guard (PCG) para makatulong sa mga Pilipinong mangingisda na pumapalaot sa West Philippine Sea.
Umabot sa 20 mangingisda ang nakatanggap ng relief pack na may lamang tinapay at delata na maaari nilang kainin sa gitna ng dagat noong ika-19 ng Mayo 2021.
Binigyan din sila ng face mask, face shield, at hygiene kit para hikayatin ang mga mangingisda na ingatan ang kanilang kalusugan laban sa COVID-19.
Naganap ang pagbabayanihan ng mga PCG personnel ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301) sa Hilagang-Silangang bahagi ng Scarborough Shoal.
Kasabay ito ng ikalawang bahagi ng ‘capability enhancement training’ ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea na nagsimula noong ika-18 ng Mayo 2021, sa pangunguna ng Task Force Pagsasanay.
Layon ng ‘capability enhancement training’ na paigtingin ang kakayanan ng mga PCG personnel sa pagtataguyod ng maritime law enforcement, maritime security, maritime safety, maritime search and rescue, at marine environmental protection sa malawak na katubigan ng bansa.
Ang PCG ay isang ‘attached agency’ ng Department of Transportation – Philippines (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Arthur P. Tugade.
COURTESY: PCG
