National News
Benguet, nagpatupad na rin ng temporary ban sa pagpasok ng mga buhay na baboy at pork products mula sa ibang probinsya
Nagpatupad na rin ng temporary ban ang Benguet sa pagpasok ng mga buhay na baboy at pork products mula sa mga lugar na may mga ulat na kaso ng African Swine Fever o ASF.
Inisyu ang executive order para sa pagpapatupad ng ban ni Governor and Doctor Melchor Diclas.
Batay sa nakasaad sa kautusan, dahil sa posibleng economic impact ng nasabing sakit ay dapat pigilan ang pagpasok ng live pigs, fresh at frozen pork at pork products na mula sa mga lugar na apektadong ng ASF.
Sinabi ni Diclas na mananatili ang ban hanggang magbigay ang DA- Bureau of Animal Industry ng katiyakan ng kaligtasan ng swine industry.
Ipinag-utos din ng governor sa PNP, Provincial Veterinarian, Quarantine Officers at Municipal Agriculture Offices na mahigpit na ipatupad ang food safety measures at quarantine control protocols.
Sinabi naman ni Benguet Provincial Veterinarian Miriam Tiongan na nagtalaga na ng quarantine checkpoint inspectors sa pitong lugar sa probinsya at nagtatrabaho ng pitong araw kada linggo.
Matatandaang kinumpirma ng DA ang ASF outbreaks sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan habang beneberipika pa ang ulat ng ASF cases sa ibang lugar kabilang na ang Quezon City at Marikina.