National News
BFP Makati sa fire drill ng SMNI: Maayos at aware ang lahat
Pinuri ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang isinagawang fire drill ng pamunuan ng SMNI nitong Linggo ng umaga.
Pagtunog ng fire alarm, nagmadaling lumabas ang mga empleyado ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa ACQ Tower sa Makati.
Tiniyak naman ng mga SMNI security personnel na walang empleyado na naiwan sa bawat palapag ng gusali.
Ayon kay SFO3 Alona Sibayan ng BFP-Makati, “So far maganda po yung pag-evacuate kanina. Maayos naman po yung paglabas nila sa fire exit. Tapos yung ginagawang pag-account, tama po iyon kasi doon natin malalaman kung may naiwan ba sa building. At least aware ang lahat po. Okay po siya.”
Ang ikinasang fire drill ay paghahanda ng SMNI sa harap ng panganib ng pagtaas ng insidente ng sunog dulot ng mararanasang tagtuyot dulot ng El Niño.
Layon nito na maitaas ang kaalaman ng mga empleyado nito sa mga fire safety measures sa panahon ng emergency.
Paghahanda rin ito ng network para sa papalapit na Fire Prevention Month sa Marso.
Lumahok sa fire drill ang mga empleyado ng SMNI kabilang ang mga reporters, anchors, social media department, DZAR 1026 Sonshine Radio staff, at iba pa.
Humanga naman ang BFP Makati sa mga babaeng empleyado ng SMNI sa kanilang dedikasyon at tapang na ipinamalas upang matuto na umapula ng sunog.
Ani Sibayan, “Lalo na yung mga babae talagang willing silang matuto. Hindi sila yung kailangan mo talagang pakiusapan para magparticipate. Sila mismo yung nakikiparticipate at yun po ang maganda. Ibig sabihin naappreciate nila yung ginagawa nating ito.”
Binigyang diin naman ng BFP-Makati ang kahalagahan ng fire drill sa mga kumpanya lalo na ngayong tag-init.
Isa sa mga dahilan ng sunog sa mga workplace ay ang pagkalimot na matanggal ang mga appliances o mga kagamitan sa saksakan.
Nakakatulong ang fire drill ayon sa BFP para maisaisip ng bawat empleyado na hindi lamang trabaho ng ahensya ang pag-apula ng sunog ngunit ito ay pangkalahatan na responsibilidad.
“Ngayon nasubukan na natin maapula ng apoy, una pa lang alam na agad ang gagawin natin kung patayin. Hindi na natin siya mahintay para lumaki pa. Responsible din tayo sa workplace natin. Tulad noon halimbawa sa opisina. Nagawan na ng paraan ninyo, ng brigade ninyo na naapula, so kami sa Bureau of Fire, medyo malaki din ang pasasalamat naming,” saad ni Sibayan.
