Regional
Black box ng bumagsak na eroplano sa Laguna, narekober na
NAREKOBER na ng mga air crash investigator ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang black box ng bumagsak na eroplano sa Calamba, Laguna na ikinasawi ng 9 na katao at ikinasugat ng 2 iba pa.
Gagamitin ang flight recorder o black box ng CAAP para matukoy ang lagay ng eroplano bago ito bumagsak sa isang private resort sa Barangay Pansol.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon sa pagbagsak ng King Air 350 na isang medical evacuation plane na may tail no. RPC 2296.
Nabatid na galing Dipolog City, Zamboanga del Norte ang eroplano na maghahatid sana ng pasyente sa Metro Manila.
Kabilang sa 9 na pasahero na nasawi sa insidente ay sina Captain Jesus Hernandez ang piloto ng eroplano, ang co-pilot nito na si first officer Lino Cruz Jr., Dr. Garret Garcia, ang mga nurse na sina Kirk Eoin Badiola at Yamato Togawa, Ryx Gil Laput, Raymond Bulacja, ang pasyente na isang New Zealander na si Tom Carr at asawa nitong si Emma Carr.
Nasa stable na kalagayan na rin ang mag-ina na caretaker ng Agohon Resort na sina Malou at Janray Roca matapos magtamo ng second to third degree burns.