Regional
Blue alert status, nakataas sa NegOcc dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon
Isinailalim ng Office of Civil Defense-National Disaster Risk Reduction and Management Council (OCD-NDRRMC) sa blue alert status ang Negros Occidental dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa OCD, simula kagabi nakikipag-ugnayan na sila sa kanilang regional counterparts sa Western at Central Visayas upang malaman ang pinakahuling sitwasyon at response operations.
Bagama’t manageable pa ang sitwasyon sa lebel ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office sa rehiyon naka full-alert naman ang national level para magbigay ng kaukulang tulong at alalay.
Hinikayat din ng OCD-NDRRMC ang mga apektadong residente na maging mapagmatyag at sumunod sa mga paalala at bilin ng mga otoridad para sa kanilang kaligtasan.
Sa ngayon, patuloy ang pagdating ng updates hinggil sa aktibidad ng bulkan at agad nila itong ipinararating sa mga apektadong lugar para sa gagawing paglilikas.
